Bumabalangkas na ng mga detalyadong panuntunan ang Department of Health (DOH) kaugnay sa paggamit ng iba’t ibang test kits sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa gitna na rin ito ng patuloy na apela ng medical community na itigil na ang paggamit ng rapid anti body test kits lalo na sa labor sector.
Binigyang diin ng DOH na nananatiling ang RT-PCR o reverse transcription polymerase chain reaction ang gold standard para mabatid kung COVID-19 infected ang isang indibidwal at maaari lamang gamitin ang rapid test bilang baseline testing o para malaman ang estado ng seroprevalence sa katawan ng tao kada labing apat na araw.
Sa ilalim ng umiiral na guidelines kailangang magpa konsulta sa lisensyadong duktor ang sinumang gagamit ng rapid test at parehong expert din ang magsasagawa at mag iinterpret ng resulta.
Nakasaad naman sa hiwalay na interim guidelines nitong nakalipas na May 11 na hindi dapat maging requirement ng mga balik trabahong manggagawa ang rapid test maliban sa clinical screening.