Mag-iikot simula sa susunod na linggo sa mga paaralan si Health Secretary Francisco Duque III.
Ito ay bahagi ng monitoring ng Department of Health o DOH sa mga estudyanteng naturukan ng dengvaxia.
Ipinabatid ni Duque na bibisitahin niya sa susunod na linggo ang isang eskuwelahan sa Marikina at pupuntahan din niya ang ilang paaralan sa iba pang bahagi ng NCR, Regions 3 at 4A at Cebu.
Sinabi ni Duque na hindi niya iaanunsyo ang mismong araw ng pagbisita niya para malaman niya kung sinusunod ng kaniyang regional staff ang risk communication strategies ng DOH tulad nang pagkakabit ng posters na naglalaman ng mga impormasyon kaugnay sa dengue immunization.
Kasabay nito, inihayag ni Health Undersecretary Roland Enrique Domingo na sa susunod na linggo ay bibigyan din ng sulat ang mga bata para ibigay din sa kanilang mga magulang.
Lalamanin aniya ng sulat ang update sa vaccine, mga sintomas at mga impormasyon para sa tulong medikal sakaling makita ang mga naturang sintomas tulad ng fast lanes sa mga ospital.
—-