Kinakailangang isalang sa screening para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga empleyadong magre-report na muli sa kanilang mga pinagtatrabahuang kumpanya.
Alinsunod ito sa ipinalabas na interim guidelines ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat na salain ang mga manggagawa na makikitaan ng sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon at iba pa.
Gayundin, ang mabatid ang travel history ng mga manggagawa at kung nagkaroon ito ng posibleng exposure COVID-19 positive sa loob ng labing apat na araw.
Nilinaw naman ni Vergeire na hindi nilang inuutusan ang mga kumpanya na magsagawa ng mass testing sa kani-kanilang mga empleyado bago makabalik sa trabaho.
Gayunman, sinabi ni Vergeire, sakaling makitaan ng sintomas at mabatid na mayroong travel history at exposure ang isang manggagawa, kinakailangan nitong agad na magpakonsulta at makapagpakita ng certificate of quarantine completion.