Hindi pa rin pakakampante ang Department of Health (DOH) sa laban ng bansa kontra sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito, ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, ay sa kabila ng mataas na approval rating na nakuha nito mula sa publiko sa isinagawang survey ng Pulse Asia hinggil sa paglaban ng mga government agencies sa pandemyang COVID-19.
Ani Duque, ipagpapatuloy nila ang kanilang nasimulan sa pagkikipaglaban sa virus, na isang taon na rin aniya nilang binubuno at ng buong bansa.
Isang taon nang binubuno itong pandemyang COVID-19. Nakita naman natin, taos pusong paninilbihan, sakripisyo, walang humpay na pagpupunyagi na talagang makahanap ng solusyon, magawan ng paraan para lang mapababa natin ang bilang ng ating COVID cases. Kahit papaano, nakamit naman natin ‘yan kung ikukumpara ang ating sarili sa ibang bansa ay hindi naman tayo nagtatalunan ng mga kaso,” ani Duque.
Ipinaabot din ni Duque ang pasasalamat nito sa publiko sa pagsunod ng minimum public health standards na kanilang ipinatutupad.
Binigyang-diin din ng kalihim na ang bakuna kontra COVID-19 ang kasalukuyan nilang target sa paglaban ng bansa kontra COVID-19.
Kaya ang bakuna ang talagang susunod na yugto ng ating malaking gagawin sa DOH para sa kapakanan at interes at proteksyon ng ating mga kababayan,” ani Duque. —sa panayam ng Ratsada Balita