Itinanggi ng Department Of Health (DOH) na nagpadala ng expired na RT-PCR tests ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Baguio City.
Ayon sa DOH, walang inilabas na anumang expired na testing kit ang RITM, batay na rin sa kanilang delivery records at mga dokumento.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ng DOH na mas maikli ang shelf life ng test kits na umaabot lamang sa 6 na buwan kumpara sa mga gamot na maaaring tumagal ng 3 hanggang 5 taon.
Iginiit ng DOH, ito ang dahilan kaya kinakailangan magamit agad ang mga test kits at mabilis ang pagpapalit ng mga stocks nito.
Sinabi ng DOH, patuloy na binabalangkas ng itinatag nilang COVID-19 laboratory network project management unit at information management system ang isang sistematikong logistics process para matiyak na hindi masasayang ang mga COVID-19 test kits.