Masyado pang maaga para ideklarang false positive ang dalawang naitalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ginaganap na PBA bubble sa Clark Pampanga.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire dahil kinakailangan pang pag-aralan ng mga eksperto ang ilang mga detalye bago sila makapagbigay ng konklusiyon.
Ayon kay Vergeire, idinadaan muna sa proseso bago masabing false positive o false negative ang isang COVID-19 case batay na rin sa magiging pag-aaral ng mga eksperto.
Magugunitang, isang referee at manlalaro ng Black Water Elite ang nagpositibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng RT-PCR swab test.
Gayunman, kapwa nagnegatibo ang dalawa nang isailalim sa antigen at panibagong round ng RT-PCR test dahilan kaya idineklara ng PBA at Clark Development Corporation ang mga ito bilang false positive cases.
Paliwanag naman ni Vergeire, posibleng walang sintomas o hindi nakakahawa ang dalawa nang isailalim sa antigen test ang dalawa kaya negatibo ang naging resulta ng mga ito.