Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na marami na rin ang nagbago at nag-improve sa pagtugon ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito’y matapos bigyan ng bagsak na marka ng mga eksperto sa kalusugan at iba pang larangan ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mayroong panahon talaga na pansamantalang nag-flatten ang curve at ito ay noong Abril.
Ani Vergeire, sinamantala ng DOH ang panahon na iyon para dagdagan ang bilang ng mga health worker, palawakin ang testing, magtayo ng temporary treatment facilities at namahagi ng personal protective equipment.
Iginiit ni Vergeire na isa sa dahilan ngayon kaya tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay dahil sa pagluwag ng community quarantine upang mabigyan ng pagkakataong bumangon ang ekonomiya.