Inaasahan na ng DOH o Department of Health na may mga lokal na pamahalaan na hindi agad makatutugon sa ipatutupad na nationwide smoking ban sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, ito’y dahil maraming pasaway na Pilipino, bukod pa sa hindi pa naipalalabas ang implementing guidelines para dito.
Sinabi ni Ubial na gagawin nila ang lahat para maipatupad ang smoking ban dahil para na rin ito sa kapakanan at kalusugan ng sambayanan.
Ang mga indibidwal na lalabag sa smoking ban ay pagmumultahin ng mula limang daang piso (P500.00) hanggang sampung libong piso (P10,000.00), depende sa bilang kung ilang beses nahuli ito.
Habang sa mga establisyimentong lalabag dito ay magmumulta ng limang libong piso (P5,000.00) o kulong ng tatlumpung (30) araw.
- Meann Tanbio | Story from Aileen Taliping