Inamin ng Department of Health (DOH) na hindi ito basta-basta makapagpapasara ng health facilities kahit pa mapatunayang sangkot ang mga ito sa pekeng claims.
Kasunod ito nang pagkakabunyag ng ghost dialysis claim ng WellMed Dialysis Center sa Quezon City dahil sa patuloy na pagkubra ng claim.
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III, may nakabinbing nasa 7,000 may kaugnayan sa paglabag ng mga health facility.
Kailangan aniyang maging maingat sa pagbawi ng lisensya ng mga may kasong health institution dahil maraming pasyente ang maaapektuhan.
Sinabi pa ni Duque na tatalakayin ng DOH sa PhilHealth kung paano ang gagawin sa mga health facility na may kinakaharap na kaso at ikukunsidera ang magiging epekto nito sa maraming pasyente.
Kasama ring pag-uusapan ang mga hirit na isapubliko ang listahan ng mga may kasong health facilities.
PhilHealth pamumunuan ng COO
Pamumunuan ng Chief Operating Officer (COO) ang PhilHealth.
Ito ayon kay Health secretary Francisco Duque III ay matapos atasan ng Pangulong Rrodrigo Duterte ang pitong presidential appointees sa PhilHealth board gayundin si PhilHealth President Roy Ferrer.
Sinabi ni Duque na bilang next in line, ang COO ang pansamantalang mamumuno sa PhilHealth.
Inihayag ni Duque na kahit pinagbitiw si Ferrer, nananatiling tiwala rito ang pangulo.