Hinihintay na lamang ng Department Of Health o DOH ang final definition at final guidelines mula sa NEDA hinggil sa kung sino talaga ang mga kasama sa A4 priority list para sa vaccination program ng pamahalaan kontra COVID-19.
Matatandan na batay sa naging desisyon ng IATF, binubuo ang A4 priority group ng mga transportation workers, market vendors, religious leaders at Overseas Filipino Workers.
Sa laging handa briefing sinabi ni national vaccination operation center Chairperson at Department Of Health Undersecretary Myrna Cabotaje, na sa ngayon, tuloy tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa pribadong sektor sa pamamagitan aniya ni Presidential Adviser Joey Concepcion.
Ani Cabotaje, ang pangunahing papel o involvement nila sa ikakasang pagbabakuna ng mga nasa pribadong sektor, ay para tiyaking epektibo at may Emergency Use Authorization o EUA ang kanilang mga inangkat na bakuna.
Imomonitor din aniya ng DOH ang gagawin nilang distribusyon ng COVID vaccines at ang isasagawa nilang pagtuturok ng bakuna.