Hiniling ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapalawak ng implementasyon ng second booster dose ng COVID-19 vaccines.
Sa kasalukuyan, tanging mga senior citizen, healthcare workers, at immunocompromised individuals ang pinapayagang tumanggap ng ikalawang booster dose sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumiham na sila sa FDA kaugnay sa panibagong pag-aaral upang mapabilang ang mga edad 50 hanggang 59 anyos at mga may comorbidities.
Sinabi pa ng opisyal na mayorya o 60% ng hospital admissions ay hindi pa bakunado, partially vaccinated at hindi pa natuturukan ng booster shot.
Samantala, sinabi pa ni Vergeire na magkakaroon din ng mga bakunahan sa mas marami pang mga paaralan, workplaces, pook-sambahan at maging sa mga pamilihan.