Hiniling ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri sa Department of Health (DOH) na magpalabas ng guidelines o protocol para sa mga tulad niyang naka-rekober na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Zubiri, kailangang liwanagin ng DOH ang patakaran kung kailan at ilang beses magpapasuring muli para sa COVID-19 ang mga pasyenteng gumaling na rito.
Dapat din aniyang magkaroon ng panuntunan kung ano ang dapat gawin ng mga naka -recover, kapag lumabas sa mga pagsusuri na positibo silang muli sa virus o kaya ay false positive o nakitaan na lang ng remnants ng virus.
Paliwanag ni Zubiri, ito’y para batid ng mga naka-recover ang gagawin, at sa gayo’y hindi sila ma-discriminate ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Kung tutuusin ayon sa senador, dapat may patakaran na rito ang DOH dahil higit anim na buwan nang nakararanas ang bansa ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Samantala, kasama sa mungkahi ni Senador Zubiri, na bilhan ang mga ospital at laboratoryo ng gobyerno ng mga state of the art na COVID-19 testing machines para masigurong accurate ang resulta ng mga isasagawang pagsusuri. —ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)