Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng kulay pulang armband.
Ito ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay bilang suporta sa mga doktor at iba pang health workers na patuloy na itinataya ang kanilang buhay para lamang magamot ang mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang pagsusuot aniya ng pulang armband ay bilang pagpupugay sa mga doktor at health workers na namatay dahil sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Kasabay nito ibinabala ni Vergeire ang posibleng pagkakaruon ng artifical rise ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito aniya ay dahil naayos na ang proseso sa laboratoryo para sa pagsuri sa mga pasyente na mayroong COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na nagkaroon na rin ng dagdag na testing kits ang gobyerno kaya’t napalawak ang pagsuri sa mga hinihinalang may COVID-19.
Inihayag ni Vergeire na hindi na dapat magalit ang publiko dahil kapag natapos na ng DOH ang mga backlog sa pagsusuri sa mga pasyente ay makikita na ang tunay na numero ng mga tinamaan ng COVID-19.