Mabuting pag-aralan at tularan ng Department of Education at Inter Agency Task Force ang face-to-face classes na pinatutulad sa Estados Unidos.
Ito ayon kay Senator Sherwin Gatchalian ay para sa kapakanan ng mga kabataan na ngayon ay hindi gaanong nagagabayan ang pag-aaral sa distance learning.
Giit ni Gatchalian kung pinapayagan na ngayong lumabas ang mga kabataan para pumasyal kasama ng pamilya, dahil para raw ito sa ekonomiya, mas mainam sa sa eskwelahan na sila pumunta.
Batay sa pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention ang public health institute sa Estados Unidos — may maliit lang na katibayan na naging dahilan ang face to face classes ng community transmission o hawahan ng COVID-19.
Sinabi rin aniya ng mga eksperto roon na posibleng isagawa ang face to face classes kapag naibsan na ang panganib ng community transmission virus at kapag ginagawa ang health protocol — na paghuhugas ng kamay, madalas na paggamit ng alcohol, social distancing at pagsusuot ng face mask.
Giit ng senador, sa face-to-face classes, mas matututo ang mga kabataan dahil makakaharap ang mga guro, sisigla rin dahil makakasalamuha ang kapwa mag-aaral at hindi poproblemahin lagi ang internet connection.
Sa pagdaraos nito, nararapat naman umanong isama ang mga guro sa prayoridad na bigyan ng gobyerno ng bakuna kontra COVID-19. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)