Ibabatay ng Department of Health (DOH) sa ibibigay na listahan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at local government units (LGU)’s ang pagtukoy sa mga recipients o indibiduwal na makatatanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, hindi na nila susundin ang naunang plano na kunin ang listahan ng vaccine recipients mula sa pagpapatupad ng National ID System.
Sinabi ni Cabotaje, hindi na nila maaaring hintayin pa ang ganap na pag-arangkada ng national id kung magiging available na sa lalung madaling panahon ang bakuna kontra COVID-19.
Kaugnay nito, inatasan na aniya ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez at ng Department of Interior and Local Government ang LGU’s na gumawa ng kani-kanilang sariling master list ng mga tatanggap ng bakuna.
Habang maaari naman aniyang kunin ang master list ng mga senior citizens at indigents mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Dagdag ni Cabotaje, pagsasama-samahin ang mga naturang datos at gagamitin para i-track ang mga tatanggap ng bakuna kontra COVID-19.