Iinspeksyunin ng Department of Health-Region 4-A ang police detention facility sa Biñan City, Laguna kung saan isang babae ang namatay dahil sa hinihinalang Meningococcemia na isang nakahahawang sakit.
Ayon kay DOH-Region 4-A Chief, Dr. Eduardo Janairo, sinimulan na nila ang pagbibigay ng oral prophylaxis sa mahigit 150 preso at pulis sa police community precinct 3 facility.
Isinugod pa ang 24 anyos na babae sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa City kahapon subalit binawian ng buhay.
Isinasailalim ng mga doktor ng RITM sa pagsusuri ang blood samples upang makumpirma kung Meningococcemia ang sanhi ng kamatayan ng babae.
Pansamantalang isinara ang mga pasilidad ng police community precinct 3 ng Biñan Municipal Police Office sa Laguna.
Ito’y makaraang masawi ang isang 24 anyos na babaeng preso nito bunsod ng hinihinalang kaso ng Meningococcemia.
Noon pang katapusan ng Marso naaresto ang babae subalit kahapon lamang nang isugod ito sa ospital matapos makaranas ng sintomas ng nasabing sakit.
Agad naman itong inilipat sa RITM o Research Institute for Tropical Medicine para isailalim sa pagsusuri pero nasawi rin ang babae makalipas ang ilang oras.
Bilang pag-iingat, agad na binigyan ng facemask at gamot ang lahat ng bilanggo at pulis na naka-assign sa nasabing pasilidad
Contributor: Jaymark Dagala