Inilunsad na ng Department of Health (DOH) sa buong bansa ang PinasLakas’ Booster Vaccination Campaign, kahapon.
Layon nitong maturukan ng booster shot ang 23.8 milyong indibidwal sa loob ng tatlong buwan o unang 100 araw sa pwesto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon sa DOH, gagawin nang mas available at accessible ang bakuna maging sa mga palengke, simbahan, malls, transport terminals, offices, mga pabrika, plaza at paaralan.
Magbabahay-bahay din ang DOH upang mas maraming senior citizens o A2 population ang mabigyan ng bakuna.
Sa pinakahuling datos, mahigit 71 milyong indibidwal na ang bakunado laban sa Covid-19, kabilang ang 15.9 million na nakatatanggap ng booster shot.