Irerekomenda ng Department of Health (DOH) na maisalang sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test ang mga pasaherong papasok sa Pilipinas, pito o walong araw pagkadating sa bansa para mapalakas ang border control.
Batay sa kasalukuyang panuntunan, ang mga pasahero ay isasalang sa COVID-19 test sa ikalimang araw pagdating ng mga ito sa bansa, maliban na lamang kung magpakita ng mga sintomas ng virus ng mas maaga.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ipinapakita ng bagong ebidensya na mataas pa rin ang virus hanggang sa ikapito o ikawalong araw.
Dahil dito, ipinabatid ni Vergeire na irerebisa muli nila ang protocol at ilalatag ito sa Inter-Agency Task Force (IATF) para ma-adopt ang pagpapatupad ng bagong panuntunang ito.
Nais aniya nilang matiyak na matutukoy ang lahat ng mga darating na pasahero para makapagsagawa ng maayos na isolation at maputol na ang hawahan, bagamat for approval pa ito ng IATF.