Naisumite na ng Department of Health (DOH) sa Department of Budget and Management (DBM) ang listahan ng healthcare workers (HCWs) na hindi pa nakatatanggap ng mga allowance o benepisyo sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Ito ang nilinaw ni Health Officer in Charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa budget deliberations sa senado na hindi pa raw nagbibigay ang kagawaran ng listahan ng HCWs na wala pang nakukuhang COVID-19 allowance o pandemic benefits.
Sinabi pa ni Vergeire, nakapagsumite na aniya ang DOH ng listahan nuong September 6 at September 13.
Ito aniya ay bilang pagsunod sa hinihingi ng DBM para makumpleto ang paglalabas ng pondo para sa healthcare workers.
Ani Vergeire, higit 55,000 ng healthcare workers ang hindi pa nakatatanggap ng Special Risk Allowance (SRA) at nangangailangan ito ng 1 billion pesos na alokasyon.
Habang higit 1.6 million na healthcare workers naman ang hindi pa nakatatanggap ng health emergency allowance sa target na 11.5 billion pesos budget na hiniling sa DBM.