Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang dayuhan mula sa Gitnang Silangan ang binabantayan ngayon sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM matapos magpakita ng sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, Hulyo 4 nang dumaan sa pagsusuri ang 36-anyos na dayuhan at kasalukuyan pang mino-monitor ng mga doktor.
Samantala, ipinabatid ni Garin na kumikilos na ang Task Force MERS-CoV para i-trace ang 200 pasaherong nakasama sa eroplano ng naturang dayuhan.
POLO
Nakaalerto naman ang lahat ng POLO o Philippine Overseas Labor Offices sa buong mundo kaugnay sa posibleng pagkalat ng MERS-CoV.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, mahigpit na naka-monitor ang mga POLO offices sa sitwasyon sa kani kanilang lugar para makagawa ng aksyon sakaling magkaroon ng MERS-CoV outbreak.
Sinabi ni Baldoz na dapat mapaalalahanan ang mga Pilipino sa buong mundo na mag-ingat laban sa nasabing sakit.
By Ralph Obina | Judith Larino