Iniatras na ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng dalawang gamot sa mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients sa ilalim ng solidarity trial ng World Health Organization (WHO).
Ito, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ay base na rin sa mga nakitang ebidensya at rekomendasyon ng mga experts ng bansa laban sa paggamit ng hydroxychloroquine at kombinasyon ng HIV drugs na lopinavir-ritonavir sa mga pasyenteng dinapuan ng COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na kaagad nilang ipinatigil ang paggamit ng hydroxychloroquine nang mailabas ng experts ang ebidensya laban dito.
Lumalabas aniya sa interim trial results na maliit lamang o halos walang epekto sa mortality ng mga naka-confine na COVID-19 patients ang hydrochloroquine at lopinavir-ritonavir combination, kumpara sa standard of care o mahigpit na pagtutok ng medical experts sa isang may sakit.
Dahil dito, ipinabatid ni Vergeire na gagamitin na lamang ngayon ang kumbinasyon ng remdesivir at interferon para sa medical treatment laban sa COVID-19, mula sa hiwalay na paggamit sa mga gamot nito noong mga nakalipas na araw.
WHO ipinatigil na ang paggamit ng ilang anti-HIV drugs, hydroxychloroquine vs. COVID-19
Ipinatigil ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng ilang anti-HIV drugs at hydroxychloroquine sa mga isinasagawang clinical trials sa pagtuklas ng gamot laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay matapos na matuklasan ng WHO na hindi naman nito nagagawang mapaliit ang tyansa na masawi ang mga pasyente ng COVID-19 na sumasailalim sa mga clinical trials.
Samantala, sinabi naman ni WHO director-general Tedros Adhanim Ghebreyesus na nakatakda nang lumabas ang unang resulta ng kanilang isinasagawang clinical trials sa loob ng dalawang linggo.
Matatandaan namang nasa 5,500 ang mga COVID-19 patients mula sa 39 na bansa kabilang na ang Pilipinas na lumahok sa clinical trials sa paghahanap ng lunas sa naturang virus.