Kukuha muna ng karagdagang nursing assistants ang Department of Health upang makatulong sa pagtugon sa nurse shortage sa mga government hospital.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, aprubado na ito ng DOH Execom at bubuksan ang nasabing posisyon sa mga nurse na nakapagtapos ng kolehiyo na hindi pa nakakapasa sa Nursing Licensure Examination.
Ang pagiging nursing assistant ay hindi nangangailangan ng lisensya.
Sinabi pa ni Sec. Herbosa na ang naturang posisyon ay may salary grade nine o katumbas ng 20,000 pesos na sahod kada buwan.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 4,000 vacancies sa government nurses.
Sinabi naman ng filipino nurses united na malaking tulong ang mga nursing aides.
Gayunman, nilinaw ng kagawaran na hindi pa rin isinasantabi ang planong pag-hire ng nursing graduates na bigong makapasa sa board exam.
Magpupulong naman ang DOH kasama ang Professional Regulation Commission at Department of Labor and Employment upang talakayin ang kakapusan ng mga nurse dahil sa pangingibang-bansa.