Mamamahagi ng mga dengue net ang Department of Health sa mga piling eskwelahan kung saan may mataas na kaso ng dengue.
Ayon kay DOH Secretary Janette Garin, ibibigay ang mga dengue screen sa ilang mga elementary school sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Region 3, 4-A, 7 at Region 8.
Ayon sa kalihim, may kakayahang maglabas ng kemikal ang mga dengue net na kayang pumatay hindi lamang ng mga lamok kundi pati ibang insketo tulad ng mga ipis, langaw at bubuyog.
Tiniyak naman ni Garin, na hindi maka-sasama para sa mga bata ang kemikal sa dengue net.
Sinabi pa ng kalihim na maaaring ilagay ang mga nasabing dengue net sa mga bintana na pwedeng gamitin bilang kurtina.
Naglaan ang DOH ng 240 milyong piso para sa mga dengue net na kaya anyang tumagal ng 5 taon.
Batay sa tala ng DOH, pumalo na sa higit 1 milyon ang bilang ng mga kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero hanggang Setyembre ng taong ito.
By: Jonathan Andal