Magpapadala ng mga karagdagang grupo ng mga healthcare workers ang Department of Health (DOH) sa Region 2.
Ito ay upang maging katuwang ng mga health workers sa rehiyon sa pagtugon sa mga residenteng apektado ng malawakang pagbaha na nangangailangan ng tulong pangkalusugan.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, una nang humingi ng tulong sa DOH ang mga health workers sa Region 2 dahil pagod na rin aniya ang mga ito.
Sinabi ni Cabotaje, nakatakdang magtungo ng Cagayan at Isabela ang reinforcement team ng DOH bukas.
Dagdag ni Cabotaje, humingi na rin ng tulong ang DOH sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization para makatugon sa ilang mga pangangailangang may kinalaman sa kalusugan tulad ng medical consultations at psychosocial briefing.