Ipinag-utos na Department of Health (DOH) ang pagpapadala ng karagdagang mga doktor sa Cebu City.
Sa harap ito ng ulat ng National Task Force on COVID-19 na halos puno na ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients ang mga ospital sa Cebu.
Batay sa direktiba ni Health Secretary Francisco Duque, mga Doctors to the Barrios (DTTB) ang kanilang idedeploy sa Cebu.
Ayon sa DOH, kukunin ang mga DTTB sa mga rural health units sa mga lugar na mayroong municipal health officers upang may maiwan pa ring doktor sa lilisanin nilang lugar.
Tiniyak ni Duque na pansamantala lamang ang deployment sa Cebu ng DTTB.
Kahalintulad lamang anya ito sa pagresponde sa mga kalamidad tulad ng sa Yolanda at Marawi siege.
Doctors to the Barrios, umalma
Umalma ang Doctors to the Barrios (DTTB) sa biglaang pagdeploy sa kanila ng Department of Health (DOH) sa Cebu City.
Sa isang statement, sinabi ng DTTB batches 36th at 37th na wala man lang isinagawang konsultasyon sa kanila at sa local chief executive sa lugar kung saan sila naka-assign na rural health clinic.
Maliban sa walang konsultasyon, hindi man lamang umano sila nakatanggap ng written guidelines kung paano sila mapoprotektahan sa kanilang temporary assignment.
Umapela ang DTTB sa DOH na pag-isipang muli ang deployment dahil mas kailangan umano sila sa rural areas kung saan marami ring Overseas Filipino Workers (OFWs) ang umuuwi na posibleng carrier ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).