Mamamahagi ng mga protection kits tulad ng N-95 mask at eye drops ang Department of Health (DOH) sa mga residente sa lugar na matinding naapektuhan ng pagbuga ng abo ng Bulkang Taal.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, aabot sa P1.5-M ang kabuuang halaga ng mga protection kits na kanilang ipamamahagi sa Calabarzon.
Sinabi ni Domingo, prayoridad nila ang mga lugar sa Calabarzon dahil natukoy ito bilang high-risk area.
Maliban sa masks at eye drop mamimigay din ang DOH ng mga lalagyan ng tubig at water disinfectant.
Dagdag ni Domingo, nakikipag-ugnayan sa mga health officers sa mga bayan at siyudad na bahagi ng high risk areas para sa distribusyon ng mga nabanggit na gamit.