Masyado pang maaga para sabihin na lalawigan na ng cebu ang bagong epicenter ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH), matapos ang pagsirit ng naitatalang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nabanggit na lalawigan.
Batay sa datos ng DOH, nakapagtala ng dalawang daang bagong kaso ng COVID-19 ang Cebu sa loob lamang ng isang araw noong Mayo 7 na mas mataas na sa record ng Metro Manila.
Dahilan kaya umakyat sa 1,288 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Cebu.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang malaking bahagi ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Cebu ay mula sa mga kulob na pasilidad tulad ng mga kulungan na tinatawag nilan clusters.
Habang wala naman aniyang transmission o hawaan ng coronavirus sa mga komunidad sa Cebu na hindi bahagi ng cluster.
Maliban pa rito, sinabi ni Vergeire na tumaas na rin ang kapasidad sa testing ng Cebu mula sa dating 90 covid tests kada araw at ngayo’y lima hanggang 600 tests kada araw.