Ngayong panahong marami ang bumibiyahe o bibiyahe, ibinabala ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng pagkakaroon ng heat stroke habang nasa loob ng sasakyan bunsod na rin ng pagtaas ng temperatura.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakapagdudulot ng heat stroke ang agarang pagpasok sa sasakyan na matagal na naka-park at nakababad sa sikat ng araw.
Mahahalintulad na aniya ito sa pagbibilad sa araw na magdudulot ng dehydration at pagtaas ng temperatura ng katawan.
Maliban pa sa heat stroke, sinabi ni Duque na maaaring makapagdulot din ng cancer ang agad na pagpasok sa sasakyang nakabilad ng matagal sa init ng araw.
Naluluto kasi aniya ang ilang materyales sa sasakyan na magreresulta sa pagrerelease nito ng benzene na isang carcinogenic.
Dahil dito pinapayuhan ang mga motorista o biyahero na buksan muna sandali ang kanilang mga sasakyan bago pumasok sa loob para naka-circulate na ang hangin at iwasan na rin muna ang mag-park sa mga lugar na tutok sa sikat ng araw.
—-