Muling itataas ng Department of Health ang code white alert level sa lahat ng ospital sa lungsod ng Maynila simula Enero 8 bilang paghahanda sa Traslacion ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Dr. Patrick Co ng DOH-NCR, pagtapos ng bagong taon ay muli nilang paiigtingin ang paghahanda sa bawat ospital sa Maynila para sa mga pasyente na mangangailangan ng medical attention kasabay ng Traslacion.
Libre anya ang pagpapagamot sa mga pagamutan para sa mga pasyenteng manileño na mangangailangan ng tulong medikal.
Pinayuhan naman ni Co ang mga sasama sa Traslacion na iwasan ng magsama ng mga bata, kung buntis ay huwag ng sumabay at kung may sakit ay maiging manatili na lamang sa bahay.
Gayunman, para sa mga magpupumilit sumama ay pinapayuhan ang mga ito na ilagay sa papel kung ano ang kanilang sakit at idikit sa damit upang mabatid agad ng medical team ang gagawin sakaling magkaroon ng aberya.