Muling nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng kaso ng dengue at leptospirosis dahil sa pananalasa ng Bagyong Paeng.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, karamihan sa mga lalawigan sa bansa ay nakaranas ng pagbaha kung saan madaling makuha ang nasabing mga sakit.
Sinabi ni Vergeire, na kung hindi mag-iingat ang mga tao, partikular na ang mga lumikas na nananatili parin sa mga evacuation centers, ay mataas ang tiyansa na sumirit muli ang kaso ng dengue at leptospirosis.
Dahil dito, nagpakalat na ang ahensya ng nasa P31-M halaga ng medical supplies kasama na rin ang mga healthworkers sa 633 evacuation centers sa buong bansa, para narin sa ikakasang “screening” at konsultasyon sa mga evacuees.
Kabilang sa mga pinadalhan ng tulong medikal ng DOH ang Regions I, II, Cordillera Administrative Region (CAR), Region IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at National Capital Region (NCR).
Sa ngayon, nasa P72.8-M halaga pa ng commodities ang nasa mga bodega ng DOH Central Office na nakahandang ipakalat anumang oras sakaling kailangan ng isang lugar.