Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko sa panganib nang pagpapapako sa krus at self-flagellation o pananakit sa sarili bilang panata ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na maaaring mauwi ang open wounds sa mga impeksyong nakakamatay tulad ng tetanus.
Nakakatakot aniya ang tetanus bukod pa sa mga bacterial infections na maaaring pumasok sa balat sa pamamagitan ng mga sugat.
Ayon kay Domingo, pinakamalalang mangyari ay ang sepsis na napupunta ang bacterial infection sa dugo.
Iginiit ni Domingo ang paglinis ng mabuti sa sugat at tiyakin ding malinis ang anumang ipapasok sa katawan tulad ng pako.
Gayunman, hinimok ni Domingo ang publiko na huwag nang magpapako sa krus.
“Kapag po tayo nasugat kailangang linisin ito pagkatapos ng antiseptic, ng tubig at sabon, kung gagamit naman tayo ng mga ipapasok sa katawan natin katulad ng mga pako sana malinis ito, sterile, para hindi tayo magka-tetano, kung talagang may mga sugat tayo mabuti po namang magpatingin tayo sa ating centers o mga ospital para malaman kung kailangang bigyan ng bakuna kontra tetano o mga antibiotic.” Pahayag ni Domingo
(Ratsada Balita Interview)