Nagpalabas ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng rabies mula sa kagat ng aso o pusa ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, tumataas ang bilang ng mga nabibiktimang bata ng kagat ng aso o pusa tuwing tag-init o bakasyon dahil mas madalas ang inilalagi ng mga ito kasama ang kanilang mga alagang hayop at ang paglalaro sa labas ng bahay.
Paalala ni Ubial, dapat tiyaking may bakuna ang mga alagang aso o pusa, tatlong buwan mula kapanganakan at taon-taon pagkatapos nito para sa kaligtasan ng lahat.
Hindi rin dapat aniya hayaang magpagala-gala ang mga alagang hayop, regular na paliguan, bigyan ng pagkain at inuming tubig para hindi maging iritable dahil nararamdaman din nito ang init ng panahon.
Payo rin ni Ubial, kung sakaling makagat, mahalagang agad hugasan ang sugat gamit ang sabon at dumadaloy na tubig, agad dalhin sa doktor upang magpabakuna at kailangang obserbahan ang hayop.
By Krista de Dios
DOH nagbabala kontra rabies ngayong tag-init was last modified: April 20th, 2017 by DWIZ 882