Nagbabala ang Department of Health-Metro Manila Center of Health Development (DOH-MMCHD) laban sa mga namemeke ng COVID-19 vaccination cards at certificates.
Kasunod ito ng kumakalat na posts sa social media hinggil sa pagawaan ng “fake” vaxx cards at certificate partikular na sa Recto, Maynila.
Ayon sa DOH-MMCHD, ang pamemeke o falsification ng anumang pampubliko at opisyal na dokumento ay isang uri ng krimen at paglabag sa revised penal code at Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Dahil dito, makukulong ang sinumang mapatunayang nagkasala ng isa hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000.
Samantala, nanawagan ang ahensya sa publiko na huwag tangkilikin ang mga namemeke ng mga naturang dokumento at i-ulat ang nabanggit na krimen sa numerong 02-8531-0037 extension 111 o mag-email sa cmuncr@gmal.com.