Nagbabala ang Department of Health o DOH laban sa mga indibiduwal na ginagamit ang kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine para makapanloko.
Kasunod ito ng natanggap na ulat ni Dr. Edwardo Janairo ng DOH-Calabarzon na isang grupo ang nagpapakilalang good samaritan at nais umano tumulong sa mga batang naturukan ng Dengvaxia sa Binangonan, Rizal.
Ayon kay Janairo, nanghihingi ng donasyon at dengue kits ang nasabing grupo para ibigay umano sa mga batang biktima ng Dengvaxia.
Gayunman, nilinaw ni Janairo, walang estudyante o bata sa bayan ng Binangonan ang kasalukuyang nakararanas ng kumplikasyon matapos maturukan ng Dengvaxia.
Tiniyak din ng DOH na direkta silang nakikipag-usap at nakikipag-unayan sa mga magulang ng mga batang naturukan ng nasabing bakuna.
Pinaalalahanan naman ni Janairo ang publiko na huwag bigyang pansin ang nasabing grupo at i-report agad sa awtoridad kung nabiktima ng mga ito.
—-