Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko kaugnay sa mga ibinibenta online na coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test kits.
Binigyang diin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang rapid test kits ay dapat na ginagamit sa ospital lamang at doktor ang kailangang nangangasiwa sa proseso nito.
Bukod dito sinabi ni Vergeire na magpapalabas pa lamang ang DOH ng mga panuntunan hinggil sa paggamit ng rapid test kits.
Kinumpirma rin ni Vergeire na nagbukas na ang Lung Center of the Philippines para tumanggap ng COVID-19 samples bagamat kailangan pa rin aniyang dumaan ang samples sa RITM para sa validation.
Kasabay nito ipinabatid ni Vergeire na kinukunsider nilang kabilang sa vulnerable population ang healthcare workers.