Tiyak na may kalalagyan ang lahat ng mga medical staff ng isang ospital na hindi tatanggap sa mga pasyenteng may malubhang kaso tulad ng dengue.
Iyan ang babala ni Health Secretary Francisco Duque III makaraang matanggap ang ulat na tinanggihan ng ilang ospital sa lalawigan ng Cavite ang dengue patient na si Riceza Salgo.
Batay sa salaysay ng ina ni Riceza, hindi tinanggap ang kaniyang anak sa Cavite Provincial Hospital dahil kulang umano ang mga hospital bed duon.
Bigo rin aniyang tanggapin ang kaniyang anak sa General Trias Medical Center and Hospital gayundin sa General Trias Doctors Medical Center dahil sa kawalan naman ng blood bank at mataas na singil ng mga ito sa serbisyo.
Ayon kay Duque, iimbestigahan nilang mabuti ang kaso ni Riceza dahil hindi katanggap-tanggap na tatanggihan ng mga ospital ang isang emergency case tulad ng dengue.
Magugunitang huling isinugod si Riceza sa De La Salle University Sa Dasmariñas, Cavite kung saan na umano ito binawian ng buhay.