Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay sa pagbili ng hindi rehistradong coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Ito’y matapos mapaulat na nakakakuha na ang ilang negosyante maging mga pulitiko ng china-made COVID-19 vaccine sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nauunawaan nilang matagal nang hinihintay ng publiko ang bakuna, ngunit kailangan pa rin umanong alalahanin kung ito ba ay ligtas at kinikilala ng bansa bilang epektibong bakuna kontra COVID-19.
Giit ni Vergeire, sa ngayon ay wala pa ring otorisadong bakuna na gagamitin sa ating populasyon.