Nagbabala sa publiko ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development o DOH-MMCHD laban sa mga kumakalat na text messages kaugnay sa One COVID-19 Allowance (OCA).
Kasunod ito ng isang pahayag kung saan, makakakuha lamang ng mga benepisyaryo ang OCA sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga dokumento sa email account na caralaws23@gmail.com.
Nabatid na sa ilalim ng OCA, makatatanggap ng allowance ang health care workers at non-health care workers depende sa kanilang “risk exposure” o P3,000 para sa low risk; P6,000 para sa medium risk; at P9,000 naman para sa high risk.
Ayon sa ahensya, huwag agad maniniwala sa mga natatanggap na text dahil hindi sa kanila nanggaling ang naturang mensahe at direkta nilang ipinapaalam sa mga benepisyaryo ang pagkuha ng OCA.
Dahil dito, nagpaalala sa publiko ang DOH-MMCHD na tiyaking lehitimo ang mga natatanggap na text at maging alerto laban sa mga maling impormasyon na kumakalat online.
Para sa may mga katanungan o sumbong ukol sa OCA, maaaring magpadala ng mensahe sa public assistance and complaint unit ng kanilang tanggapan o mag-email sa pacu.dohmmchd@gmail.com o tumawag sa kanilang hotline numbers na 0970-464-7549.