Umapela na si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa mga ospital na maging alerto at handa sa inaasahang fireworks injuries ngayong holiday season.
Ayon kay Duque, dapat maging handa ang mga pagamutan sa anumang kaganapan sa gitna ng kaliwa’t kanang pagdiriwang kung saan alak at mga paputok ang sentro ng kasiyahan.
Isa aniya sa pinaka-mabisang paraan upang maiwasan ang mga injury sa pamamagitan ng community fireworks display.
Magsasagawa naman ang DOH ng surveillance sa fireworks-related injuries simula bukas, Disyembre 21 hanggang Pebrero 5 ng susunod na taon habang nasa 50 ospital sa buong bansa ang magsusumite ng kanilang mga report.
Samantala, muling inabisuhan ni Duque ang mga magulang na pagbawalan ang kanilang mga anak na edad 10 hanggang 14 na humawak o gumamit ng mga paputok.