Kinastigo ng mga senador si Health Secretary Francisco Duque III sa pagharap nito sa pagdinig ng senate committee on health hinggil sa novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).
Ito ay matapos lumitaw na mabagal ang isinasawang contact tracing sa mga pasahero na nakasabay sa eroplano ng dalawang Chinese nationals na nagpositibo sa 2019-nCoV ARD sa bansa.
Sa naging pagtatanong ni Senadora Nancy Binay, sinabi ni Duque na nasa 17% pa lamang mula sa 351 pasaherong nakasabay ng dalawang Chinese ang kanilang nako-contact.
Katwiran ni Duque, hindi nakikipagtulungan sa kanila ang Philippine Airlines at Cebu Pacific kung saan ayaw aniya ibahagi ng mga ito ang contact details ng mga pasahero dahil sa confidentiality.
Gayunman pinabulaan ito ni Philippine Airlines Vice President for Security Cesar Ronnie Ordoyo at iginiit na kanila nang ibigay ang mga impormasyon hinggil sa mga pasahero sa bureau of epidemiology bilang bahagi ng protocol.
Kasunod nito, itinuro ni Duque si DOH bureau of epidemiology chief Dr. Ferchito Avelino at iginiit na kaniya pang aalamin ang proseso hinggil sa contact tracing.
Dahil naman dito, kinuwestiyon nina Senador Francis Pangilinan at Panfilo Lacson ang sitwasyon ng unity of command sa DOH.
Anila, tila nagkaroon ng failure of leadership si Duque sa paghawak sa isyu ng 2019-nCoV ARD sa bansa.