Nagkasa ng supplemental immunization ang Department of Health (DOH) sa Datu Piang, Maguindanao.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ng ikatlong kaso ng polio sa bansa makaraang magpositibo ang apat na taong gulang na batang babae sa Datu Piang.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, napagkasunduan nila, ang World Health Organization (WHO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) na isagawa ang supplemental vaccination sa November 4 hanggang November 8 sa may 4,200 sanggol hanggang batang may edad limang taong gulang sa Datu Piang.
Muling nanawagan si Duque sa mga magulang na pabakunahan ng anti-polio ang kanilang mga anak dahil halos wala anyang sintomas ang polio.
95% ng mga tatamaan ng polio virus, ‘di naman magpapakita ng sintomas, magpapakita ng sintomas mga 5%; at sa 5%, ‘yung 4% magkakaroon ng sintomas naman, .4% magkakaroon ng symptoms,” ani Duque.
Samantala, sinabi ni Duque na ikinakasa na nila ang ikalawang round ng malawakang pagbabakuna para muling maging polio free ang bansa.
Sa kasalukuyan anya ay nasa validation process na ang resulta ng unang round ng pagbabakuna na isinagawa sa National Capital Region (NCR), Davao Del Sur, Lanao Del Sur, Marawi City at Davao City.
Wala namang puhunan diyan, pamasahe lang, ‘yung iba pwedeng maglakad nalang, hindi mo kailangang bilhin, inaangkat po ng gobyerno ‘yan gamit –ang gastos diyan ay buwis ng taumbayan,” ani Duque. — sa panayam ng Ratsada Balita