Muling pina-alalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa Omicron subvariant na XBB.
Ito’y makaraang kumalat ang pekeng Department Memorandum 2022-0578 ng DOH hinggil sa mga sintomas ng nasabing subvariant.
Una nang itinanggi ng kagawaran na naglabas sila ng dokumento upang paigtingin ang isinasagawang surveillance activities kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang bansa.
Iginiit ng DOH na ang COVID-19 ay may sintomas ng trangkaso tulad ng lagnat, ubo, sipon, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, panghihina, pananakit ng katawan at iba pa.
Hinimok naman ng kagawaran ang publiko na maging maingat at mapanuri na mga tamang impormasyon lamang ang ikalat na matatagpuan sa kanilang official website o social media platforms. – sa panulat ni Hannah Oledan