Nanawagan sa publiko ang Department of Health (DOH) na panatilihin at huwag kalimutan ang disiplina sa pagkain ngayong Kapaskuhan.
Ang panawagan ay ginawa ni Assistant Secretary Dr. Lyndon Lee Suy, Spokesman ng Department of Health kasunod ng babala ng Philippine College of Physicians Foundation hinggil sa holiday stress.
Ayon kay Lee Suy, karamihan sa ating mga kababayan ay nakakalimot sa kanilang disiplina sa pagkain dahil sa dami ng pagkain tuwing holiday season.
Batay sa datos, taon-taon ay tumataas ang bilang ng emergencies at admissions tuwing Kapaskuhan dahil sa heart attack at stroke.
“Kadalasan ang mga naitatala ay dala na rin ng pang-aabuso sa katawan dahil ginagawa nilang dahilan ang Kapaskuhan na mag-binge sa mga pagkain na ipinagbabawal sa kanila. Ang sinasabi parati nila ay Pasko naman eh, hindi po kadahilanan yun.” Pahayag ni Lee Suy.
‘Iwas Paputok campaign’
Target ng Department of Health o DOH na mabawasan pa o kundi man mawala na ang gumagamit ng nakakadisgrasyang paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Pormal na inilunsad ng DOH ang Iwas Paputok campaign na naglalayong maipakita sa mamamayan ang grabeng disgrasya na puwedeng idulot ng mga paputok.
Aminado si Assistant Secretary Lyndon Lee Suy, Spokesman ng DOH na ang kampanyang ito ay nakasalalay pa rin sa kaugalian ng mga tao.
Nitong pagsalubong sa 2015, bumaba ng 14 na porsyento ang naitalang biktima ng paputok.
“Syempre dapat kaakibat pa rin natin ang mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay para siguraduhin na ligtas ang pagce-celebrate ng Pasko at Bagong Taon, kasi pinakitaan na natin ng naputulan ng kamay, pinakitaan na natin ng pamutol sa kamay, nakiusap na tayo ng maayos, ang ano kasi ditto ay nasa tao, ang behavior.” Pahayag ni Lee Suy.
By Len Aguirre | Ratsada Balita