Nagpatupad ng mas istriktong monitoring at quarantine measures ang Department of Health (DOH) sa mga paliparan kasunod ng napaulat na mysterious disease mula sa China.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, dumadaan sa screening ang mga pasahero lalo na nagmumula sa naturang bansa.
Partikular na mino-monitor ay ang temperatura ng pasahero na paparating sakaling tumaas ito sa 38 degrees ay isasailalim ito sa medical check-up.
Hindi pa matukoy ang naturang sakit ngunit sinasabing may sintomas ito tulad ng lagnat, upper respiratory tract infection tulad ng ubo at sipon at pneumonia.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng DOH ang magsuot ng mask lalo na kung masama na ang pakiramdam, iwasan ang crowded na lugar at palagiang hugasan ang kamay ng sabon at tubig.