Humingi ng paumanhin ang Department of Health (DOH) sa pagkakamali nito sa kanilang daily situationer reports hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kumakalat sa social media.
Napuna kasi ng mga netizens ang hindi tamang representasyon ng bar graph ng DOH sa pagrereport nito sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa inilabas na pahayag ng DOH sa Facebook page nito, nagpasalamat ang ahensya sa mga tumawag sa kanilang ng pansin para itama ang naturang pagkakamali sa kanilang report.
Kasabay nito, tiniyak ng DOH na patuloy silang nagsusumikap para mapagbuti ang kalidad at kawastuhan ng kanilang mga inilalabas na materyales sa pagrereport.
Iginiit din ng DOH na ang kanilang mga datos na inilalabas ay nagmumula rin sa mga isinumiteng report ng mga healthcare facilities at mga local government units.