Naibigay na ng Department of Health (DOH) ang tulong pinansyal sa pamilya ng ilan sa mga nasawing health care worker na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naiabot na ang unang death benefit check sa mga naulila ng isa sa mga health care workers.
Mayruon din aniyang dalawa pang tseke na naibigay na sa pamilya ng dalawang naulila ng nasawing health care workers sa Region 11.
Sampu pa aniyang pamilya ang makakatanggap na rin ng tulong pinansyal matapos maipadala ang tseke sa regional offices ng DOH.
Una nang inako ni Health Secretary Francisco Duque III ang responsibilidad sa nabinbing pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga health workers na naapektuhan ng COVID-19.
Ito ayon kay Duque ay bagamat dismayado siya sa nasabing usapin.
Tiniyak ni Duque na susundin ng ahensya ang isinasaad sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act at ipagkakaloob ang karampatang benepisyo sa pamilya ng mga nasawing health care worker gayundin ang iba pang naapektuhan ng COVID-19.