Inatasan ni Health Secretary Francisco Duque III ang Dengue Technical and Management Committee na makipag-ugnayan sa mga eksperto para sa mga kinakailangang hakbang kaugnay sa mga batang nabigyan ng dengue vaccine sa bansa.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng bagong analysis ng manufacturer na Sanofi Pasteur kaugnay ng kanilang dengue vaccine na dengvaxia.
Ayon sa Sanofi Pasteur, ang dengvaxia ay nakapagbibigay ng tuloy-tuloy na benepisyo sa mga taong nagkaroon na ng dengue fever pero posible namang magresulta ito ng matinding sakit o impeksyon sa mga binakunahang hindi pa nagkakasakit ng dengue.
Matatandaan, sa ilalim ni dating DOH Secretary Janette Garin, bumili ang pamahalaan ng 3 bilyong halaga ng dengvaxia dengue vaccines para sa isang milyong mag-aaral sa mga public schools sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue.
April 2016 nang magsimulang bigyan ng bakuna ang mga batang siyam na taong gulang at sinundan ng dalawa pang bakuna pagkaraan ng anim na buwan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 400,000 ang nabakunahan ng kontra dengue pero hindi pa napapasailalim sa test para malaman kung nagkaroon na sila ng dengue fever bago naturukan.
—-