Naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakamaraming nadagdag na kaso ng COVID-19 sa bansa sa loob lang ng isang araw.
Batay sa pinakahuling datos, 1,046 ang naitalang bagong kaso nitong Biyernes, Mayo 29, kaya’t pumalo na sa 16,634 ang mga nakumpirmang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergiere, 46 sa mga ito ang tinatawag na ‘fresh’ case o mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na tatlong araw.
Habang 1,000 naman sa mga ito ay bahagi ng backlog sa resulta ng COVID-19 test na nakalap mula sa iba’t-ibang testing laboratories sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Samantala, 122 naman ang naitalang mga gumaling o recoveries sa COVID-19 kaya’t umabot na ang kabuuang bilang nito sa 3,720.
21 naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi dito kaya’t umabot na ang bilang nito sa 942.