Tinatayang 72% ang ibinaba ng naitalang kaso ng mga insidenteng nauugnay sa paputok nitong nagdaang pasko at bagong taon kumpara noong 2019 ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa tala ng health department, nakapagtala ng kabuuang 116 kaso mula ala-6 ng umaga nitong Disyembre 21, 2020 hanggang 5:59 am ng Enero 5 taong kasalukuyan, ito ay mas mababa ng 295 na kaso kumpara noong 2019.
Mayorya ng pasyenteng nabikitma ng paputok ay nasa 74% na kalalakihang edad 2 hangggang 69 na taong gulang.
Nasa 64% naman ng mga biktima ay tinatawag na ‘passive users’ o hindi mismo sila ang nagpaputok.
Halos kalahati naman o 43% sa mga naitalang insidenteng ito ay mula sa National Capital Region kung saan 27% sa mga ito ay gumamit ng paputok na kwitis.
Ang pagbaba ng insidente ng kasong ito ay bunsod ng firecracker ban na ipinatupad sa ilang bahagi ng bansa kabilang na ang Metro Manila.—sa panulat ni Agustina Nolasco