Nakatakdang maghain ang Department Of Health (DOH) ng Emergency Use Authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine na gagamitin bilang booster at karagdagang shot para sa healthcare workers at senior citizens.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagsumite na ang DOH ng ‘letter of intent’ para sa aplikasyon ng EUA sa Food and Drug Administration.
Inaasikaso na rin anya ng kagawaran ang pagkumpleto sa mga kailangang dokumento kabilang ang mga ebidensya na magpapatunay na ligtas at epektibo ang third doses o booster shots.
Idinagdag pa ni Vergeire na nakipagpulong na sila sa mga eksperto upang talakayin ang mga gagamiting bakuna bilang booster at third dose.
Una nang inaprubahan ng DOH ang paggamit ng booster at third dose ng COVID-19 vaccines para sa healthcare workers at senior citizen ngayong taon maging sa eligible priority groups sa taong 2022. —sa panulat ni Drew Nacino